
Isang empleyado ang iniulat na nawawala habang dalawa ang sugatan matapos masunog ang isang dalawang palapag na warehouse na naglalaman ng mga dekorasyon para sa mga event sa Barangay San Rafael Village, Navotas City noong Martes ng hapon.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)–Navotas City, nagsimula ang sunog bandang 12:19 ng tanghali, umabot sa ikalawang alarma, at idineklarang kontrolado pagsapit ng 2:05 ng hapon matapos ang masinsing operasyon ng mga rumespondeng bumbero.
Sinabi ni SFO2 Junnie Bert Mendoza, arson investigator ng BFP Navotas City, na nagsimula ang apoy sa loob ng warehouse malapit sa gate. Bago ang insidente, may ulat na may ginagawang welding sa lugar, na posibleng naging pinagmulan ng ignition dahil sa mga materyales at koneksyon sa kuryente.
Agad na sinubukan ng mga empleyado na apulahin ang apoy gamit ang fire extinguishers, ngunit mabilis ang pagkalat ng apoy kaya’t hindi na ito nakontrol. Dumating ang mga boluntaryong brigada ng bumbero, subalit nahirapan pa rin dahil sa tindi ng apoy at kapal ng usok.
Isang boluntaryong rescuer ang umakyat sa bubong upang iligtas ang isang na-trap na empleyado, ngunit may isa pang naiwan sa loob. Ilang minuto matapos nito, ganap na nilamon ng apoy ang loob ng gusali at gumuho ang sahig ng ikalawang palapag. Tinatayang ₱5.2 milyon ang halaga ng pinsala, at patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog.




