
Ang Department of Education (DepEd) ay pinapalakas ang foundational learning bilang tugon sa patuloy na pagbaba ng student proficiency sa bansa. Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), bumabagsak ang kakayahan ng mga Filipino learners mula 30% sa Grade 3 hanggang 0.47% sa Grade 12.
Ayon kay Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, layunin ng DepEd na palakasin ang pundasyon ng basic education sa pamamagitan ng pagtutok sa key stage 1 mula kinder hanggang Grade 3. Nilinaw niya na bahagi ito ng kanilang estratehiya para matiyak na may matibay na kaalaman ang mga bata sa simula pa lang ng kanilang pag-aaral.
Kasama sa mga hakbang na suportado ng 2026 national budget ang full rollout ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program, pinatatag na feeding program, at dagdag na pondo para sa mga klase at libro. Layunin nito na matulungan ang mga estudyante na makabasa, makabilang, at makasabay sa kanilang pagkatuto.
Batay sa datos mula 2023 hanggang 2025, ipinakita ng EDCOM 2 na halos 70% ng Grade 3 learners ay nahihirapan pa rin sa foundational skills gaya ng pagkilala sa letra, pagbabasa ng karaniwang salita, at simpleng problem-solving. Sa Grade 6, bumaba ang proficiency sa 19.56%, at sa high school, tanging 1.36% sa Grade 10 at 0.4% sa Grade 12 lamang ang naabot ang tamang antas ng kasanayan.
Sa kabila ng mababang performance, kinikilala ng komisyon ang mga targeted interventions ng DepEd tulad ng revised K to 10 curriculum, mas maayos na textbook procurement, summer literacy remediation, at ang ARAL program. Ayon kay EDCOM Executive Director Dr. Karol Mark Yee, ang pokus sa foundational skills ang susi para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa, lalo na sa mga lugar na may kakulangan sa guro at pasilidad.


