
MAYNILA — Isang senior citizen ang isinugod sa ospital matapos matusok ng bakal ng plantbox sa ilalim ng kanyang baba at lumusot palabas sa bibig noong Enero 13, pasado alas-9 ng umaga sa Barangay San Agustin, Quezon City.
Ayon sa ulat, nangunguha lang ng malunggay ang 65-anyos na babae sa harap ng bahay ng kaniyang kapitbahay sa Mango Street, Nova Homes Subdivision, nang siya ay mahilo at nadulas sa gilid ng plantbox. Agad na rumesponde ang Quezon City Fire District (QCFD) Special Rescue Force.
“Naka-receive tayo ng tawag mula sa Novaliches Fire Sub-Station na may matandang babae na natusok sa plantbox… pagdating namin, ini-stabilize muna natin 'yung sitwasyon at ang injury para maiwasan lumala,” paliwanag ni SF02 Richard Andrew Roces, team leader ng QCFD Special Rescue Force. Tumagal ng halos 30 minuto ang rescue operation.
Dagdag pa niya, “Ang challenge lang po ay nakatusok siya sa bakal kaya hindi puwede basta galawin. Nagdahan-dahan lang tayo hanggang sa matanggal siya nang ligtas.” Agad naman isinugod sa ospital ang biktima at naoperahan para maalis ang bakal. Mabuti na lamang at hindi tinamaan ang mga vital organs gaya ng carotid artery at trachea.
Sa kasalukuyan, nagpapagaling ang biktima sa ospital. Paalala ni Roces, kung sakaling maipit sa parehong sitwasyon, huwag galawin agad ang pasyente at tumawag sa awtoridad para sa ligtas na rescue. “Stabilize lang natin at hintayin ang tamang paraan para matanggal siya nang safe,” dagdag niya.




