
MANILA, Philippines — Umabot sa 66,669,287 ang bilang ng pasahero ng EDSA Busway noong 2025, ayon sa Department of Transportation (DOTr). Tumaas ito mula sa 63,022,953 pasahero noong 2024, na nagpapakita ng patuloy na paglago sa paggamit ng pangunahing bus lane sa EDSA.
Pinakamataas na buwanang bilang ng pasahero ang naitala noong Disyembre 2025, kung kailan 6,530,415 ang sumakay sa busway sa panahon ng holiday rush. Samantala, ang pinakamaraming pasahero sa isang araw ay naitala noong Abril 2025 na umabot sa 321,186 pasahero sa loob ng 24 oras.
Mula nang magsimula ang operasyon ng busway noong Hunyo 2020, nakaabot na ito sa kabuuang 341,307,843 pasahero. Ang datos na ito ay patunay sa kahalagahan ng EDSA Busway sa pagpapabilis at pagpapadali ng araw-araw na pagbiyahe sa Metro Manila.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, patuloy ang commitment ng DOTr sa modernisasyon at pagpapalawak ng busway. “Marami pa tayong improvements na gagawin, tulad ng mas modernong Kamuning Busway station at tatlong bagong istasyon ngayong 2026 para mas maginhawa at mabilis ang biyahe ng mga pasahero,” ani Lopez.
Sa kabila ng mataas na bilang ng pasahero, ipinapakita ng EDSA Busway na may malaking potensyal para sa mas maayos at episyenteng urban mobility. Ang mga bagong proyekto at modernisasyon ay inaasahang magpapaangat pa sa kalidad ng serbisyo at karanasan ng bawat pasahero sa susunod na taon.
