
Ang Bureau of Immigration (BI) ay humihiling ng kanselasyon ng passport at deportasyon kay mining executive Joseph Sy, na pinaghihinalaang nagpakilalang Pilipino gamit ang peke o falsified na records, katulad ng kaso ni dating mayor Alice Guo.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, natuklasan nilang may parehong fingerprints si Sy at isang Chinese national na nagngangalang Chen Zhong Zhen. May records rin na inamin umano ni Chen na siya ay si Joseph Sy, ngunit tumanggi si Sy na kumpirmahin ito sa harap ng Senado noong Disyembre 15.
Sa pagdinig sa Senado, hindi rin sumagot si Sy sa ilang mahahalagang tanong gaya ng lugar ng kapanganakan at kung saan siya nag-aral. Pinuna rin siya ni Sen. Risa Hontiveros dahil sa posibilidad na may hawak siyang parehong Chinese at Philippine passport, na labag sa batas ng China tungkol sa dual citizenship.
Si Sy ay dati nang na-detain ng BI, ngunit pinalaya ng Taguig Court. Gayunpaman, naniniwala ang BI na may malakas na ebidensya laban sa kanya at isinaayos na ang kaso sa Court of Appeals. Tinaguriang “Alice Guo 2.0” si Sy ni Hontiveros matapos lumabas ang mga duda tungkol sa kanyang identity at mga operasyon sa pagmimina.
Bukod dito, nasasangkot din ang pamilya ni Sy, kabilang ang kanyang anak na si Johnson Cai Chen, sa imbestigasyon ng Immigration sa umano’y pekeng birth records. Pinag-aaralan rin ang posibleng data breach sa Philippine Coast Guard, kung saan dating miyembro si Sy.




