
Ang walo na opisyal ng DPWH Region 4-B ay nag-plead ng “not guilty” sa kaso kaugnay ng P289.5-million na umano’y palpak na flood control project sa Oriental Mindoro. Ang proyekto ay iniuugnay sa isang kompanya na konektado umano sa dating kongresistang Zaldy Co.
Sa pagharap nila sa Sandiganbayan Fifth Division, iginiit ng mga opisyal na wala silang nilabag at hindi sila nagbigay ng hindi nararapat na pabor sa pribadong kumpanya. Sila ay nahaharap sa paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Kabilang sa nag-plead ng “not guilty” sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben Santos Jr., Dominic Serrano, Dennis Abangon, Montrexis Tamayo, Felisardo Casuno, at Lerma Cayco. Na-reset naman sa December 2 ang arraignment ni Juliet Calvo dahil sa isyu sa kanyang paglabas mula sa Camp Karingal.
Iginiit ng kampo ni Calvo na kusang loob siyang sumuko at hindi inaresto kaugnay ng malversation through falsification case, na hindi niya kasama sa una ngunit isinama matapos i-amend ng Ombudsman ang charge sheet.
Naglabas rin ang korte ng alias arrest warrants laban kina Zaldy Co at anim pang akusado na hindi pa natatagpuan. Iniskedyul ang pretrial sa January at February 2026 para simulan ang pagmamarka ng ebidensya.
Samantala, itinanggi ng dating DPWH secretary na Manuel Bonoan na nakatanggap siya ng kahit anong kickback, matapos banggitin ang pangalan niya sa affidavit ni dating undersecretary Roberto Bernardo. Ayon kay Bonoan, hindi siya humingi o tumanggap ng anumang pabor o pera kaugnay ng mga proyekto.




