
Ang Bureau of Immigration (BI) ay nagtaas ng alerto sa mga airport at seaport para bantayan si Zaldy Co at ang 15 kasamahan nito na may mga warrant of arrest. Nasa derogatory database na ang kanilang mga pangalan para madaling ma-flag kung magtatangkang umalis o pumasok sa bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, inutusan ang frontline officers na agad makipag-ugnayan sa PNP kapag na-intercept ang sinuman sa kanila. Tiniyak niya na nakikipagtulungan ang BI sa mga law enforcement agencies upang masigurong masusunod ang legal na proseso.
Sinabi ng BI na sina Zaldy Co, Montrexis Tamayo, Aderma Angelie Alcazar, at Cesar Buenaventura ay nasa ibang bansa na. Umalis si Co papuntang Singapore noong Agosto 6, habang si Tamayo ay pumunta sa Qatar noong Nobyembre 15. Si Alcazar naman ay umalis papuntang Australia, at si Buenaventura ay bumiyahe papuntang UAE noong Oktubre 2.
Idinagdag din ng BI na napasama si Co sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) noong Setyembre, habang ang tatlo pang kasama ay kamakailan lang inilagay sa listahan.
Samantala, sinabi ni Vice President Sara Duterte na “to see is to believe” pagdating sa aksyon ng administrasyon upang habulin si Co. Ayon sa kanya, makikita lamang ang sincerity ng pamahalaan kung maipapakita ang malinaw na ebidensya at kung may maha-hold accountable sa umano’y corruption na may kinalaman sa flood control scandal.




