Ang Riot Games ay naglabas ng bagong music video na pinamagatang “GO OFF,” tampok ang reimagined version ng kanta “M.I.A” mula sa global pop group na KATSEYE. Ito ang opisyal na awitin ng VALORANT Game Changers Championship 2025, na gaganapin sa Seoul mula Nobyembre 28 hanggang 30.
Layunin ng kanta na ipakita ang lakas, kumpiyansa, at determinasyon ng mga kababaihang manlalaro sa mundo ng esports. Ayon kay Megan ng KATSEYE, bilang gamer, natuwa siya nang imbitahan silang baguhin ang “M.I.A” para sa Game Changers. “Ang mensahe ng kanta ay tungkol sa kumpiyansa at pagpapakita ng tunay mong kakayahan—tugma ito sa diwa ng Game Changers,” dagdag niya.
Ang “GO OFF” ay nagpapakita ng tapang at pagkakaisa ng mga kababaihan sa VALORANT community. Pinapakita rin nito kung paano nila hinaharap ang hamon sa kompetisyon habang ipinagdiriwang ang kanilang tagumpay at pagkakaibigan.
Kasama ng “M.I.A,” patuloy ang tradisyon ng Game Changers sa paggawa ng makapangyarihang musika, kasunod ng mga dating awitin tulad ng “All Eyes On Me” at “THE DRIVE.”
Ang VALORANT Game Changers Championship 2025 ay inaasahang magdadala ng libo-libong fans sa Seoul. Inaasahang magiging isa ito sa pinakamalaking esports event ngayong taon, na may premyong nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱14 milyon.




