
Ang malalakas na alon at ulan mula sa Typhoon Uwan nitong Linggo ng gabi, nagdala ng buhangin at graba mula sa seawall construction sa Baseco Compound, Manila, diretso sa mga bahay at kalye.
Ayon kay Roberia Etol, pumasok sa kanilang bahay ang buhangin at graba kaya kinailangan nilang maglinis agad noong umaga. "Mga bandang 11 to 12 p.m., lumaki 'yung dagat. 'Yung alon, talagang malalaki. Lumampas papunta dito. May mga tambak dyan na mga buhangin, mga panambak nila pumunta dito nung lumaki yung alon. Pumasok din po sa bahay," ani Etol.
Nagkaisa ang mga residente sa paglilinis ng kalye at ginamit ang buhangin at graba para tapalan ang kanilang mga bahay laban sa baha. "Iniipon po namin tapos dinadala namin sa bahay para di bahain tumatagos. Babahain kasi kung 'di tinambakan eh," sabi ni Giovanni Tomedia.
Ayon kay Brgy. Ex-O Edmund Cayanan, proyekto ng DPWH ang seawall at nakipag-ugnayan na sa contractor para linisin ang kalat. "Hindi po nila inexpect na ganun tataas yung tubig kaya nakalagay lang dun," dagdag pa niya.
Kasabay nito, naglunsad ang Department of Public Services ng cleanup sa España Boulevard, samantalang ang DSQC naman ay naglinis sa G. Araneta Avenue sa Quezon City. Patuloy ang cleanup operation sa mga susunod na araw upang mapanatiling malinis at ligtas ang komunidad, lalo na sa panahon ng ulan.


