
Ang Philippine National Police ay nagpadala ng higit 21,000 personnel sa buong bansa para sa rescue at relief efforts sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Uwan (Fung-wong).
21,682 pulis ang kasalukuyang naka-deploy upang suportahan ang evacuation, disaster preparedness, at relief operations sa mga apektadong probinsya. Kasama rin ang pakikipagtulungan sa local government units at iba pang disaster agencies para mas mabilis at maayos ang pagtugon.
Karagdagang 16,628 miyembro ng Reactionary Standby Support Force at 1,566 sasakyan ang ipina-deploy lalo na sa Regions 2, 4A, 4B, 5, at 8 para palakasin ang operasyon.
Nakagawa na ang mga pulis ng 62 rescue at retrieval operations at nailigtas ang 10,112 katao. Sa 28,008 evacuation centers, 9,853 ang kasalukuyang puno, na nagsisilbing tirahan ng 443,073 pamilya o higit 1.4 milyon katao.
May 24 police stations, 2 headquarters, at 2 sasakyan ang nasira. Apektado rin ang 28 personnel. Batay sa PAGASA, nasa 135 km hilaga-kanluran ng Bacnotan, La Union ang bagyo. Dalawang namatay ang naiulat dahil sa bagyo.




