
Ang PAGASA ay kasalukuyang nagbabantay sa isang malakas na bagyo sa silangan ng Mindanao na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong gabi o bukas ng umaga bilang Bagyong Uwan. Posible itong maging super typhoon habang papalapit sa Hilagang Luzon.
Ayon sa ulat ng PAGASA, alas-10 ng umaga, ang bagyo ay nasa 1,645 kilometro silangan ng Mindanao at kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras. Inaasahan itong lalakas pa dahil sa mainit na temperatura ng dagat at magandang kondisyon sa paligid.
Kapag pumasok sa PAR, inaasahang tutungo si Uwan sa mga probinsya ng Isabela o Aurora, kung saan posibleng mag-landfall. Magdudulot ito ng malalakas na hangin, malakas na ulan, at storm surge o daluyong sa mga baybayin. Pinaghahanda na ang mga LGU sa mga lugar na tatamaan at pinapaalalahanang ihanda ang evacuation plans at mga relief goods.
Samantala, nananatiling maayos ang panahon sa karamihan ng bansa maliban sa ilang pag-ulan at kulog. Nananatili rin ang amihan na nagdudulot ng malamig na panahon sa hilagang bahagi ng bansa.
Habang naghahanda ang mga ahensya sa pagdating ni Uwan, naka-alerto na rin ang PNP at DILG para sa posibleng epekto ng bagyo. Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, maaaring gamitin agad ng mga LGU ang kanilang calamity funds para sa paghahanda at tulong sa mga apektadong lugar.




