
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nag-anunsyo na hindi na kailangang magsumite ng audited financial statement at annual income tax return sa pag-apply o pag-renew ng public utility vehicle (PUV) franchise.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, malaking tulong ito sa maliliit na PUV operator na hirap kumuha ng mga nasabing dokumento. Layunin ng bagong patakaran na pabilisin at padaliin ang proseso ng pagkuha ng franchise.
Ipinaliwanag ni Mendoza na maraming operator ang nagrereklamo tungkol sa mahirap na requirements para makakuha ng Certificate of Public Conveyance. Kaya’t matapos ang pagsusuri, napagdesisyunan na hindi naman kailangan ang mga dokumentong iyon sa normal na operasyon ng mga PUV.
Gayunman, nilinaw ng LTFRB na sa ilang partikular na kaso, maaaring hilingin pa rin ang mga dokumento depende sa sitwasyon ng operator.
Sa bagong patakaran, inaasahang mabibigyan ng ginhawa ang mga maliliit na operator at mas maraming PUV ang makapagpapatuloy sa biyahe nang legal at maayos.


