
Ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nakakuha ng suporta mula sa mga manufacturer upang hindi magtaas ng presyo ng mga basic goods hanggang sa katapusan ng taon. Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, lahat ng manufacturer ay pumayag na panatilihin ang kasalukuyang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa DTI, ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Marcos na panatilihing abot-kaya ang mga essential goods ngayong holiday season. Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga manufacturer at retailer upang manatiling pareho ang Suggested Retail Price (SRP) ng mga produkto.
Kasama sa mga basic necessities ang de-lata, gatas, kape, tinapay, noodles, asin, sabon panlaba, tubig na bote, at kandila. Samantala, kabilang sa prime commodities ang de-latang karne, condiments, sabon panligo, at baterya.
Sinabi rin ni Roque na patuloy pa ang pag-uusap sa mga gumagawa ng Noche Buena items tulad ng pasta, hamon, at keso. “May pag-uusap pa kami sa kanila, at ipapaalam namin sa publiko sa susunod na linggo,” dagdag niya.
Hinikayat ng DTI ang mga mamimili na ireport ang anumang overpricing o paglabag sa DTI Consumer Care Hotline (1-DTI o 1-384) o sa email na consumercare@dti.gov.ph at ReportToSec@dti.gov.ph.




