
Ang isang Amerikano ay hinatulan ng 5 hanggang habambuhay na pagkakakulong matapos mapatunayang nagkasala sa panggagahasa sa ex-girlfriend niya 17 taon na ang nakalipas.
Kinilala siya bilang Nicholas Rossi, 38 anyos, na nagpanggap na patay at nagtago sa Scotland para takasan ang kaso. Ayon sa korte sa Salt Lake City, ginawa niya ang lahat para maitago ang kanyang tunay na pagkakakilanlan at makatakas sa hustisya.
Isa sa mga panlilinlang niya ay ang pagpapakalat ng pekeng obituary, kung saan sinabing namatay siya sa cancer. Habang nagtatago sa Europa, gumamit siya ng ibang pangalan at nagpanggap na Irish. Nahuli siya noong 2021 matapos makilala sa ospital dahil sa kanyang mga tattoo na tumugma sa tala ng mga pulis.
Sa paglilitis, ipinagtanggol ni Rossi na napagkamalan lang siya at sinabing pinalitan daw ang kanyang fingerprints. Dumating pa siya sa korte na naka-wheelchair at may oxygen mask, pero sabi ng mga doktor, malakas at walang karamdaman siya.
Gumamit umano si Rossi ng mahigit 12 alyas para makatakas. Nahuli siya matapos lumabas ang DNA evidence na nagpatunay na siya ang may sala. Sa isa pang kaso noong Setyembre, nahatulan din siya sa isa pang panggagahasa na nangyari noong 2008.