
Ang Bagyong Ramil (Fengshan) ay nag-iwan ng pitong patay, dalawa nawawala at isa sugatan ayon sa ulat ng NDRRMC nitong Lunes, Oktubre 20. Kabilang sa mga namatay ay limang lalaki at dalawang babae.
Umabot sa 37,825 pamilya o 133,196 katao ang apektado sa siyam na probinsya at 35 lungsod at bayan. Mahigit 13,000 katao ang lumikas; 7,511 sa kanila ay nananatili sa 166 evacuation centers habang 6,199 ay pansamantalang nakikituloy sa ibang lugar.
Matinding pagbaha ang tumama sa 48 lugar sa Central Luzon, MIMAROPA, Western Visayas, at Eastern Visayas. Labindalawang kalsada at sampung tulay ang apektado, karamihan ay hindi madaanan. Sa mga pantalan, 60 ang naapektuhan kaya na-stranded ang 4,178 pasahero, 1,433 rolling cargoes, 13 barko at 26 motorbanca.
Ayon sa NDRRMC, naglaan ang gobyerno ng humigit-kumulang ₱2.08 milyon na ayuda para sa mga apektadong pamilya. Sa halagang ito, ₱17,560 ang direktang naibigay sa mga lokal na pamahalaan at ahensya na tumutugon.
Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Ramil nitong Lunes ng umaga ngunit nagdulot ito ng malawakang pagbaha at pinsala sa Luzon at Visayas matapos ang ilang araw ng malakas na ulan at hangin.