
Ang Bureau of Customs (BOC) ay nagpadala ng tulong sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong nakaraang linggo. Kabilang dito ang mga nakumpiskang gamit tulad ng 56 rapid emergency tents, 1,087 tents, at 50 mobile power supply.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, may mga lugar na putol-putol pa ang kuryente, kaya malaking tulong ang ipinadala nilang kagamitan.
Dagdag pa ni Office of Civil Defense (OCD) Undersecretary Harold Cabreros, umabot sa 3,200 bahay ang gumuho habang mahigit 30,000 bahay ang nasira. Karamihan sa mga residente ay natutulog sa labas dahil natatakot pumasok muli sa kanilang bahay. Kaya malaking pangangailangan ang tents, pagkain at tubig.
Bukod sa nakumpiskang gamit, nag-ambag din ang mga empleyado ng BOC ng 100 sako ng bigas na tinatayang nagkakahalaga ng ₱250,000.
Ang mga relief goods ay ihahatid ng Philippine Air Force C-130 papuntang Medellin at Bogo City. May inaasahan pang karagdagang tulong mula sa BOC sa mga susunod na araw.