Ang opisyal na bilang ng namatay sa lindol sa Cebu noong Setyembre 30 ay umakyat muli sa 70 katao. Pinakamarami ang naitalang patay sa Bogo City (32), Medellin (14), San Remegio (15), Tabogon (6) at tig-iisa sa Sogod, Tabuelan at Borbon.
Mayroong 559 sugatan, kung saan 180 mula sa Bogo City, 150 sa Tabogon at iba pa mula sa mga kalapit bayan. Aabot sa 128,294 pamilya o 457,554 tao ang naapektuhan ng lindol, ayon sa datos ng NDRRMC.
Mahigit 18,154 bahay ang napinsala, kung saan 3,507 ang tuluyang gumuho. Para sa mga nawalan ng tirahan, nagtayo ng tent cities sa Bogo City at iba pang bayan. Mayroong humigit-kumulang 2,500 tent na kaya ang tig-limang tao bawat isa. Namigay rin ng 75,000 food packs ang DSWD bilang tulong sa mga apektadong pamilya.
Ayon sa Phivolcs, mahigit 5,092 aftershocks na ang naitala mula noong lindol. Pinayuhan ang publiko na maging alerto pa rin dahil maaaring umabot ng Magnitude 5.1 ang ilang pagyanig. Samantala, patuloy ang pamimigay ng pagkain, bigas, kumot at supply kit mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.