
Ang 32-anyos na rider ay nasawi matapos silang mabangga ng jeep habang ihahatid niya ang kanyang 29-anyos na misis sa trabaho sa F.S. Samano Road, Barangay 175, Caloocan City, madaling araw ng Sabado, Setyembre 27.
Patay ang rider habang kasalukuyan pang ginagamot sa ospital ang kanyang asawa na kailangan sumailalim sa ilang operasyon. Nakaligtas ang babae ngunit malubha ang pinsala sa kanyang braso, balakang, at paa.
Sa CCTV, makikita na biglang nag-counterflow ang jeep at nawalan ng kontrol hanggang sa salpukin nito ang motorsiklo na nasa tamang lane. Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang mag-asawa. Tumakas ang jeepney driver matapos ang banggaan.
Naulila ng rider ang kanyang asawa at dalawang anak na babae na may edad 13 at 4. Ayon sa ina ng biktima, napakasakit para sa pamilya ang pagkawala dahil wala nang katuwang sa paghahanapbuhay. Nagbigay na ng paunang tulong pinansyal ang operator ng jeep, ngunit hindi pa sapat sa laki ng gastusin.
Tukoy na ng pulisya ang jeepney driver at mahaharap ito sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Serious Physical Injury, at Damage to Property. Hiling ng mga kaanak ng mga biktima na sumuko na ang driver upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng rider at mapagaan ang dinaranas ng kanilang pamilya.