
Ang Department of Justice (DOJ) ay pumuna sa kilos ni Sarah Discaya matapos itong magpakita ng finger heart gesture sa mga reporter noong Setyembre 27. Tinawag ito ng DOJ na “insincere” at tanda ng “complacency.”
Nang tanungin siya ng media kung kamusta siya, hindi sumagot si Discaya at nag-finger heart na lamang bago pumasok sa DOJ. Ilang oras matapos nito, nang tanungin muli kung kumusta ang naging pagharap niya, biro niyang sinabi: “Gandahan niyo ‘yung memes ko.”
Ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano, “Ang heart sign at remarks ni Ms. Discaya ay kasama sa aming pagsusuri. Isa itong pahiwatig ng kawalan ng sinseridad. Hinihikayat namin ang lahat ng sangkot na kumilos nang naaayon.”
Dumalo si Sarah at asawa niyang si Curlee Discaya sa DOJ kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects na nagkakahalaga ng ₱100 bilyon. Ang kanilang kumpanya ay kabilang sa 15 kontraktor na nakakuha ng halos 20% ng proyekto sa nakalipas na tatlong taon.
Ang pangalan ng mag-asawa ay lalo pang umingay matapos ang kontrobersyal na panayam nila na muling binanggit ni Pasig Mayor Vico Sotto. Mula rito, lumabas ang usapin ng flood control projects, kaso sa Bureau of Customs, kanselasyon ng lisensya ng kumpanya ng Discaya, at mga pagdinig sa Kongreso.