
Ang trahedya ang bumalot sa Barangay Salawag, Dasmariñas, Cavite matapos mamatay ang isang 4-anyos na batang babae dahil sa umano’y pangmamaltrato ng kanyang 23-anyos na ina noong gabi ng Setyembre 23, 2025.
Nang dumating ang mga pulis sa ospital sa Dasmariñas, nadatnan nila ang bangkay ng bata na puno ng sugat, pasa, at pantal. Ayon kay Master Sergeant Edilberto Ycaro, agad silang nag-imbestiga at humingi ng pahayag mula sa dalawang testigo.
Ikinuwento ng isang testigo na nakita niyang pinapalo ng ina ang bata gamit ang isang kahoy habang bukas ang pinto ng kanilang inuupahang kwarto. Isa pang testigo naman ang nakarinig ng malalakas na kalabog at iyak ng bata bago ito tuluyang mawalan ng malay.
Makalipas ang ilang sandali, humingi na ng tulong ang ina sa mga kasamang umuupa matapos mapansin na hindi na humihinga ang kanyang anak. Dinala ang bata sa ospital ngunit idineklara itong patay. Doon din mismo ay naaresto ang ina.
Ayon sa mga nakakita, hindi ito ang unang beses na sinaktan ng suspek ang bata. Madalas umano itong mapalo dahil sa pagiging makulit at makalat, mga bagay na normal lamang sa isang bata. Sa imbestigasyon ng pulisya, ginamit umano ng ina ang kahoy o arnis bilang pamalo. Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.