
Ang Air Supply ay babalik sa Maynila para sa sold-out na tatlong gabi ng konsiyerto sa Solaire Grand Ballroom mula Setyembre 18 hanggang 20, 2025. Ipinagdiriwang nila ang 50 taon ng walang kupas na love songs na minahal ng mga tagahanga sa buong mundo.
Si Russell Hitchcock at Graham Russell, na gumawa ng mga kantang naging bahagi ng mga love story ng maraming tao, ay nagpasalamat sa mahabang karera sa musika. Ayon kay Graham, “Ginagawa lang namin ang mahal namin… hindi kami nagpapanggap o nagkukunwari na iba.”
Unang nagtanghal sa Pilipinas noong 1981, ramdam daw nila agad ang init at passion ng Filipino fans. Anila, mula sa unang performance pa lang, naging natural na ang connection sa kanilang musika. Dagdag pa nila, “Love ang dahilan ng lahat. Love ang walang hanggan.”
Ngayong digital age, marami pa ring kabataan ang nakakadiskubre ng kanilang kanta sa movies, TV shows, at streaming apps. Kahit hindi kilala ang banda, nagugustuhan muna ang kanta, at saka nalalaman na Air Supply pala ang umaawit.
Bukod dito, bukas din sila sa collaboration kasama ang mga Filipino artist. Ani Russell, “Kung may gustong makipagtrabaho sa amin, handang-handa kami. Tawagan niyo lang kami.”