
Ang bangko ay itinanggi na may system hack o insider na sangkot matapos mawalan ng pera ang content creator na si Jana Berenguer dahil sa umano’y unauthorized transactions.
Ayon sa pahayag ng bangko, may naitalang password reset noong Setyembre 14, isang araw bago mangyari ang mga hindi awtorisadong transaksyon. Nagkaroon din ng device registration gamit ang OTP sa parehong araw. Idinagdag pa nila na walang pagbabago sa rehistradong mobile number, at may ipinadalang log-in at registration alerts sa kliyente.
Ipinadala rin ng bangko ang mga transaction alerts noong Setyembre 15, anim na oras bago ito ini-report ng kliyente sa hotline. Nilinaw din nila na hindi nalampasan ang mga transfer limits at nananatili ang kanilang security policies.
Tinanggihan umano ni Berenguer ang pakikipag-usap sa kanila at nagpatuloy sa paggawa ng mga video tungkol sa insidente. Paalala ng bangko, huwag balewalain ang mga warning signs at mensahe na ipinapadala sa mga opisyal na channel.
Nag-viral ang kaso matapos ipost ni Berenguer sa kanyang page ang nangyari noong Setyembre 15. Nawala ang kanyang business savings na umabot sa milyon-milyong piso, pera na nakareserba sana para sa operasyon ng kanyang anak. Pinaghihinalaan niyang na-phish ang kanyang telepono sa pamamagitan ng QR code habang nasa isang bazaar.