
Ang pinakamasakit na bahagi ng buhay ko ay nang malaman ko ang lihim ng partner ko pagkatapos kong manganak. Hindi ko talaga akalain na mangyayari sa akin ito. Halos tatlong taon ang itinagal ng relasyon namin, pero sa totoo lang, puro pagsubok at panloloko ang ibinigay niya sa akin.
Habang buntis ako ng anim na buwan, doon ko natuklasan na may iba na pala siya. Noong una, hindi ko pinapansin kasi iniisip ko baka pagod lang siya sa trabaho. Sa hotel siya nagwo-work at doon niya pala nakilala ang babae niya. May mga oras na napapansin ko may babaeng nagko-comment sa mga post niya, pero iniisip ko lang noon na baka kaibigan lang o baka concern lang siya. Hindi ko talaga inisip na may malisya.
Pero lahat ng duda ko, nakumpirma pagkatapos kong manganak. Naiwan niya ang cellphone niya at doon ko nakita lahat ng ebidensya. Habang binabasa ko ang mga messages nila, nanginginig ang kamay ko sa sakit. Nakita ko na yung babae na nagko-comment, siya pala talaga yung karelasyon niya. May mga sweet posts, naka-hide sa akin ang My Day, at may mga pictures pa silang magkasama na may background music pa na “Always Be My Baby.” Para akong gumuho sa lahat ng nakita ko.
Nung nahuli ko siya, bigla niyang hinablot yung phone niya sa kamay ko. Pero huli na. Lahat ng sikreto niya, nakita ko na. Ang masakit, hindi man lang niya inisip yung sitwasyon ko na kakapanganak ko lang, pati yung anak namin na dapat iniintindi niya. Nalaman ko rin na halos 3 buwan na silang may relasyon nung time na buntis ako. Kapag late siya umuuwi, kapag hindi niya kinakain yung inihahanda ko, kapag hindi ko siya matawagan kasi naka-restrict ako sa account niya—lahat pala yun dahil may iba na siyang ginagawa.
Ang daming tanong pumasok sa isip ko: Bakit niya nagawa sa amin ito? Hindi ba niya naisip yung anak niya? Hindi ba sapat yung pagmamahal at tiwala ko sa kanya? Ang masakit pa, kahit nalaman ko na, pinili ko pa rin ayusin ang pamilya namin dahil naniwala ako na baka magbago siya. Pero umulit at umulit lang siya. Mas pinili pa niyang ipaglaban ang babae niya kaysa sa amin ng anak niya.
Dumating sa punto na iniwan niya kami. Dala niya lahat ng gamit niya, parang wala kaming halaga. Hindi rin siya tinanggap ng babae niya at nag-sorry pa sa akin yung babae. Sinabi niya na ayaw niyang mangyari sa akin yung nangyayari. Tinapos niya yung relasyon nila, pero yung partner ko, pilit pa rin siyang kinokontak at pinipilit na bumalik. Sinasabi pa niya na mahal na mahal niya yung babae at handa siyang gawin ang lahat para sa kanya. Doon ko naramdaman na mas pinaglaban pa niya ang babae niya kaysa sa pamilya niya.
Dahil sa kahihiyan, nag-resign siya sa trabaho at umuwi sa kanila. Bumalik siya at sinubukan pa niyang ayusin ang relasyon namin sa kagustuhan ng pamilya ko. Pumayag ako kahit ang sakit-sakit, kasi umaasa pa rin ako na baka magbago siya. Pero hindi pala. Nalaman ko ulit na may iba na naman siyang karelasyon—isang babaeng may anak din. Ang mas masakit, dinideny niya ako sa harap ng iba, sinasabi na matagal na kaming hiwalay kahit hindi naman totoo.
Doon ko napagtanto na kahit ilang beses ko siyang ipaglaban, hindi niya kami kayang ipaglaban. Mas pinili niya ang maling tao at maling desisyon. Sobrang sakit, kasi ipinaglaban ko yung taong kahit kailan, hindi kami pinaglaban.
Simula noon, binlock ko na siya pati pamilya niya. Ayaw ko nang madamay pa sila at ayaw ko na ring masaktan pa ulit. Pinili ko na lang na buuin ang sarili ko at magpakatatag para sa anak ko. Mahirap, masakit, pero alam kong sa huli, kaya kong bumangon.
Ang natutunan ko dito: kahit gaano mo kamahal ang isang tao, kung wala siyang respeto at malasakit, wala ring mangyayari. At minsan, kahit gusto mong ipaglaban, kailangan mo na ring bitawan—lalo na kung ikaw lang pala ang lumalaban.