Ang aktres at vlogger na si Alex Gonzaga ay nagkuwento na pinatanggal na niya ang kanyang nose implant. Sa kanyang vlog, ipinaliwanag niya ang naging karanasan at dahilan kung bakit siya nagdesisyon.
Ayon kay Alex, dalawang taon matapos ang kanyang operasyon, napansin niya na madalas namumula ang kanyang ilong, lalo na kapag malamig, pagod, o kulang sa tulog. Dahil dito, nagpasya siyang ipaalis ang Gore-Tex implant na inilagay sa kanyang ilong.
Ibinahagi rin ni Alex na sinabi ng doktor na kapag nailagay na sa katawan ang Gore-Tex, unti-unting may tumutubong tissue sa paligid nito at nagiging parte ng katawan. Dahil dito, mas mabuting tanggalin ito kung may nararamdamang problema.
Nagpakita si Alex ng ilang bahagi ng kanyang seven-day recovery matapos ang operasyon. Ipinayo rin niya sa mga gustong magpa-enhance o magpagawa ng procedure na mag-isip muna nang mabuti at humingi ng second opinion bago magdesisyon.
Sa huli, sinabi ni Alex na walang masama kung nais mong magpa-enhance. Pero dapat siguraduhin na handa ka sa epekto dahil maaaring irreversible ang resulta at magastos, umaabot pa ng humigit-kumulang ₱150,000 pataas depende sa procedure.