
Ang Malacañang ay nagbabala laban sa mga destabilizer na posibleng sumakay sa mga protesta laban sa korapsyon sa mga proyekto ng flood control.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng mga tao na magpahayag ng saloobin. Suportado umano ng Pangulo ang damdamin ng publiko dahil ito ay laban sa maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
“Ang dasal po natin, huwag sana itong sakyan ng mga taong nais lang magdulot ng gulo at destabilize sa gobyerno,” ayon kay Castro. Hindi naman niya pinangalanan kung sino ang tinutukoy na mga grupo.
Samantala, iba’t ibang progressive groups at estudyante ng UP Diliman ay nagsagawa na ng malalaking protesta laban sa flood control anomaly. Inaasahan din ang mas malaking kilos-protesta sa Luneta Park sa Setyembre 21.
Sa imbestigasyon, ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na 40% lang ng budget ng flood control project ang napupunta sa aktwal na istruktura. Ang natitirang 60% ay napupunta umano sa kickback ng ilang opisyal at contractor. Kung ang proyekto ay nagkakahalaga ng ₱100 milyon, ibig sabihin, ₱40 milyon lang ang totoong nagagamit, habang ₱60 milyon ang napupunta sa bulsa ng tiwaling opisyal.