
Ang aktres at TV host na si Maine Mendoza ay muling dumipensa sa asawa niyang si Rep. Arjo Atayde matapos madawit sa isyu ng korapsyon. Sa isang mahabang post, iginiit niyang hindi sila nabubuhay gamit ang pera ng mga taxpayer.
Ayon kay Maine, lahat ng meron sila ay galing sa taon ng trabaho at ipon, at maayos silang nagbabayad ng buwis. Giit niya, mali at masakit ang paratang na ang kanilang yaman ay galing sa politika. "Hindi iyon si Arjo, hindi rin ako iyon, at hindi iyon ang pamilya namin," dagdag pa niya.
Nilinaw din niya na hindi siya papayag na sabihing nagnanakaw sila. "Kung sakali mang may ginawang mali si Arjo, hindi ko siya ipagtatanggol. Pero hindi siya kailanman nagnakaw at hindi niya gagawin iyon," sabi ni Maine.
Dagdag pa niya, naiintindihan nilang nakakagalit ang mga tiwaling pulitiko lalo na kapag may kalamidad, pero aniya, "mali ang tao na inyong kinokondena." Nanindigan silang haharapin nila ang kaso at dumaan sa tamang proseso.
Sa huli, sinabi ni Maine na maghahain sila ng legal action at kumpiyansa silang lilitaw ang katotohanan. "Malinis ang konsensya namin at walang itinatago si Arjo. Wala siyang kasalanang pagnanakaw," pagtatapos niya.