
Ang distrito ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte ay nakatanggap ng ₱51 bilyon para sa flood control projects sa panahon ng COVID-19 pandemic, ayon kay DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral sa isang pagdinig ng House committee on infrastructure.
Kinumpirma ni Cabral na mula 2020 hanggang 2022, umabot sa ₱51 bilyon ang inilaan batay sa National Expenditure Program at General Appropriations Act. Ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin, mas mainam sana kung ginastos ito sa pandemic response gaya ng gamot at medical equipment.
Diretsong sagot ni Cabral, kung siya ang masusunod, mas pipiliin niyang ilaan ang pondo sa laban kontra pandemya kaysa flood control.
Samantala, iginiit ni Polong na malinaw at makikita ang mga proyekto. Aniya, bukas siya sa imbestigasyon upang patunayan na walang ghost projects at totoong naipatupad ang mga flood control works sa Davao.
Batay sa budget records, noong 2020, mula ₱4.6B proposal ay tumaas sa ₱13.7B sa GAA. Noong 2021, mula ₱9.67B proposal ay lumobo sa ₱25B na naaprubahan. Kinumpirma ni Cabral na ang kanyang opisina ang nagbantay sa mga line-item budget kahit nasa gitna ng mahigpit na lockdown.