Ang isang pampasaherong bus ay bumangga sa ilang sasakyan bago tumama sa konkretong harang ng MRT-7 construction site sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Huwebes, Agosto 28, 2025. Sampu ang sugatan sa insidente.
Ayon sa ulat, papunta sana ng Fairview ang bus nang mawalan ng preno. Sa kabila ng sitwasyon, pinili ng driver na idiretso ang bus sa center island kaysa tuluyang bumangga pa sa mas maraming sasakyan. Sa aksidente, nadamay ang isang UV Express, siyam na kotse at limang motorsiklo.
Dahil sa banggaan, matinding trapiko ang naranasan sa Commonwealth Avenue. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office at Road Emergency Group upang iligtas ang mga sugatan at maalis ang bumanggang bus.
Ang mga nasaktan ay agad dinala sa iba’t ibang ospital kabilang ang East Avenue Medical Center at Commonwealth Hospital. Wala namang naiulat na nasa kritikal na kondisyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon City Traffic District ang driver habang iniimbestigahan pa ang sanhi ng aksidente.