
Ang Palasyo ay muling bumatikos kay Vice President Sara Duterte matapos niyang igiit na naging maayos ang kanyang trabaho bilang dating kalihim ng edukasyon. Ayon kay Press Officer Claire Castro, si Duterte mismo ang umamin na wala siyang alam sa kurikulum na ipinatupad.
Sinabi ni Castro na malinaw sa mga pahayag ni Duterte noong 2023 na umasa lamang siya sa kanyang mga opisyal dahil wala siyang background sa education sector. Ipinunto rin ni Castro na si Duterte ay walang expertise sa paggawa ng Matatag curriculum, ang bagong programang naglalayong pagtuunan ng pansin ang mga pangunahing aralin.
Binanggit din ni Castro ang mga hindi naipamahaging milyon-milyong gadgets at laptops, pati na rin ang mahigit ₱100 milyon na ginastos para sa mga pekeng estudyante. Giit niya, ang mga maling impormasyon na ikinakalat ni Duterte ay para lamang pabagsakin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at siya ang maupo bilang presidente.
Matatandaang nagbitiw si Duterte bilang DepEd Secretary noong 2024, na nagpatunay ng tuluyang pagkakahiwalay niya sa administrasyon. Simula noon ay naging matindi na ang kanyang pagpuna laban sa pamahalaan.
Kasalukuyan naman siyang humaharap sa mga alegasyon ng korapsyon kaugnay sa umano’y maling paggamit ng pondo sa Office of the Vice President at Department of Education.