
Ang buong akala ko, masaya at buo ang pamilya ko. Halos anim na taon na kami ng asawa ko, tatlong taon nang kasal. Lahat ng tao sa paligid namin, naniniwala na isa kami sa mga perpektong mag-asawa. Lagi niyang pinapakita na mahal niya ako—maalaga, mabait, puno ng atensyon. Hindi ko man lang naisip na kaya niya akong saktan.
Pero may napansin din akong kakaiba sa ugali niya. Sobra siyang seloso. Kahit limang minuto lang akong mahuli sa pag-uwi, kailangan ko agad magpaliwanag. Kapag hindi, nagtatampo siya nang sobra. Lagi niya rin akong pinaghihinalaan na may iba kahit wala naman. Para sa akin, sakripisyo lang iyon kasi gusto ko rin naman siyang makasama palagi. Hindi ko alam, siya pala mismo ang may tinatago.
Dumating ang araw na nagkaroon kami ng away. Medyo lumayo kami sa isa’t isa para magpalamig. Akala ko pansamantala lang. Hanggang sa isang araw, sinabi ng nanay ko ang hindi ko inaasahan—may relasyon daw ang asawa ko at pinsan ko. Hindi ko agad pinaniwalaan, kasi paano mangyayari iyon? Pinagkakatiwalaan ko sila pareho, mahal ko silang dalawa bilang asawa at bilang pamilya.
Pero dumating ang araw na siya mismo ang umamin. Limang taon na raw silang may relasyon. Ibig sabihin, halos buong relasyon namin ay puro kasinungalingan. Limang taon akong niloloko—hindi lang ng asawa ko, kundi pati ng pinsan ko na itinuring kong kapatid. May mga pagkakataon na magkasama kami sa bahay, nag-uusap at nagtatawanan, pero sa likod ko, may tinatago na silang dalawa. May mga oras na natutulog ako sa tabi nila, hindi ko alam na may nangyayari na palang pagtataksil.
Ang pinakamasakit, habang buo ang tiwala at pagmamahal ko, sila naman pala ay matagal nang nagkakanulo sa akin. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng lakas ngayon. Para bang lahat ng pinaghirapan ko at lahat ng pagmamahal na binigay ko, nauwi sa wala. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung paano magsisimula ulit.