
Ang 18-anyos na suspek sa pamamaril sa Sta. Rosa Integrated School sa Nueva Ecija ay pumanaw matapos barilin ang sarili. Nangyari ang insidente nitong Huwebes matapos barilin ng suspek ang kanyang 15-anyos na dating kasintahan sa loob ng paaralan.
Nasa kritikal na kondisyon pa rin ang biktima at hindi pa rin nagigising. Ayon sa kanyang lolo na si Elmer Oliva, tinamaan sa kaliwang sentido ang apo at nasa coma mula nang mangyari ang insidente. Hindi pa maoperahan ang biktima dahil hindi pa ito matatag ang kalagayan.
Tinatayang aabot sa ₱1,000,000 ang posibleng gastusin para sa operasyon, bagay na hirap maipon ng pamilya. Bagama’t may natatanggap silang tulong pinansyal, aminado ang pamilya na kulang pa ito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang .22 caliber na baril na ginamit ng suspek para sa ballistic test. Walang serial number ang baril kaya’t isinasagawa ang mga paraan para matunton kung saan ito nakuha.
Nagpulong na ang DepEd at lokal na pulisya para pag-usapan ang mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan. Hinihikayat din ng awtoridad ang mga magulang na mas maging aktibo sa pakikisalamuha at pakikipag-usap sa kanilang mga anak upang maiwasan ang ganitong trahedya.