Ang 25-anyos na kamakailan lang nanalo sa isang Miss Gay pageant sa Batangas ay natagpuang patay matapos saksakin ng 13 beses sa Lipa City nitong Sabado, Agosto 9. Ang biktima ay kinilalang si Jericho Elliorante.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakita sa CCTV ang isang traysikel na dumaan malapit sa lugar bandang 12:30 a.m. Makalipas ang ilang minuto, isang lalaki ang nakitang sumilip sa eskinita, nilapitan ang katawan ng biktima, at kinuha ang kanyang pitaka. Sa tulong ng mga residente, natukoy at nahuli agad ang suspek na si “Paul,” 26, isang kusinero na nakatira malapit sa pinangyarihan.
Umamin ang suspek na sinaksak niya ang biktima matapos umano siyang hipuan habang magkasama sila sa traysikel. Sinabi rin niyang inaya niya ang biktima papunta sa kanilang bahay, ngunit pagdating doon ay pinagsasaksak niya ito. Hindi naniniwala ang pamilya ni Jericho sa pahayag ng suspek, at iginiit nilang mabait at magalang ito.
Natagpuan ng mga awtoridad ang walang laman na pitaka sa damuhan kung saan itinapon ito ng suspek. Nalaman din na kaka-labas lang niya sa rehabilitation center nitong Mayo matapos ideklarang hindi na angkop sa gamutan.
Nahaharap si Paul sa kasong murder at kasalukuyang nakakulong sa Lipa City Detention Center.