
Ang bagong family drama na tiyak tatagos sa puso ay paparating — “Meet, Greet & Bye”! Isang pelikula mula sa kilalang direktor Cathy Garcia-Sampana na muling bumabalik sa big screen matapos ang hit movie niya noong 2024.



Tampok sa pelikulang ito ang mga sikat na bituin tulad nina Piolo Pascual, Joshua Garcia, Belle Mariano, Juan Karlos, at ang Diamond Star na si Maricel Soriano bilang mapagmahal na ina ng pamilya.


Sa announcement teaser, makikita ang montage ng mga framed family photos. Ipinakita rito ang larawan ni Piolo noong kabataan niya, si Joshua sa suot na brown tuxedo, cute na childhood photo ni Belle, at si Juan Karlos habang tumutugtog ng piano. Habang ipinapakita ito, maririnig ang sigaw ng mga batang sumisigaw ng “Mama!” na sinabayan ng emosyonal na tugtog ng piano.

Naririnig din ang boses ni Maricel Soriano na nagbibitiw ng mga iconic na linyang pang-nanay: “Sumagot ka! Aba sumasagot ka na?”, “Anong akala mo sa ’kin ah? Nagtatae ng pera?”, “Papunta ka pa lang, pabalik na ’ko!” at “Mata kasi ang gamitin, hindi ang bibig!” Mga salitang siguradong makaka-relate ang bawat pamilyang Pinoy.

Pero habang tumitindi ang emosyon, biglang lumambot ang tono. Maririnig ang mas seryosong pagtawag ng mga anak na “Mama?” na tila puno ng pag-aalala, kasabay ng pagpapakita ng family portrait bago mag-fade to black. Handa ka na bang matawa, maiyak, at madama ang bawat eksena? Abangan ang “Meet, Greet & Bye” sa mga sinehan sa buong mundo, malapit na!