Ang karamihan ng Pilipino ay naniniwalang mahalaga ang life insurance, pero hindi pa rin sila nagmamadaling bumili dahil inuuna nila ang ibang gastusin.
Ayon sa isang pag-aaral, 90% ng Pinoy naniniwala na importante ang life insurance, at 60% ang tingin dito ay pangangailangan. Pero mas mababa na ang kagustuhan bumili ngayon kumpara noong panahon ng pandemya, dahil inuuna ang pang-araw-araw na gastusin.
Lumabas din na 64% ng Pinoy nakikita ang insurance bilang agarang kailangan lamang kapag may biglaang pangyayari gaya ng pagkakasakit o pagkamatay sa pamilya. Dahil dito, mas gusto nila ang abot-kayang policy na swak sa lifestyle at may magandang value sa pera.
Marami pa rin ang mas komportableng bumili sa pamamagitan ng financial advisor o pisikal na opisina kaysa online. Kahit may mga digital na options, natatakot ang iba na mabiktima ng scam at mas gusto nila na may tao na magpapaliwanag sa kanila bago magdesisyon.
Sa kasalukuyan, ang insurance penetration rate sa Pilipinas ay nasa 1.89% lang, malayo sa global average na 7%. Kaya naglalayon ang mga kumpanya na magpatupad ng financial literacy programs at omni-channel access para mas marami ang makakuha ng life insurance—kahit sa pisikal na paraan o online.