Ang Pinoy family ay nangangailangan ng P12,000 buwanang budget para makaraos at hindi maituring na mahirap, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS). Para naman sa mga nakatira sa Metro Manila, mas mataas ang pangangailangan na higit P20,000 kada buwan para mamuhay nang maayos.
Batay sa survey na isinagawa noong Hunyo 25 hanggang Hunyo 29, tumaas ang tinatawag na Self-Rated Poverty Threshold mula P10,000 noong nakaraang quarter tungo sa P12,000 ngayong taon. Ang pagtaas na ito ay epekto ng mahal na presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente, at tubig.
Gayunpaman, nananatiling mababa ang kita kumpara sa pangangailangan. Dahil dito, maraming Pilipino ang napipilitang magbawas ng gastusin at mag-adjust sa kanilang pamumuhay para makasabay sa taas-presyo.
Lumabas din na nasa 49% o 13.7 milyong pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang sarili bilang mahirap. Pinakamaraming nagsabing mahirap sila ay mula sa Mindanao (69%), sinundan ng Visayas (60%), Balance Luzon (38%), at Metro Manila (36%). Samantala, bahagyang tumaas ang porsyento ng mga nagsabing “hindi mahirap” sa ibang lugar maliban sa Visayas.
Sa patuloy na pagtaas ng bilihin at gastusin, malinaw na kailangan ng mas mataas na kita ng bawat pamilya upang mapanatili ang maayos na pamumuhay.