
Ang isang 32-anyos na babae ay sugatan matapos barilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay Sto. Niño, Cebu City pasado alas-3 ng madaling araw nitong Hunyo 18. Ayon sa ulat, nakaupo lang ang babae sa gilid ng kalsada sa Tabo sa Banay area nang lapitan siya ng suspek na naka-motorsiklo.
Pagkababa ng motor, lumapit ang lalaki sa biktima at pinaputukan ito ng tatlong beses. Tumama sa mukha ng babae ang dalawang bala—isa sa taas ng kaliwang kilay at isa sa ibaba ng kaliwang mata.
Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang lalaki gamit ang kaniyang motorsiklo. Dumating ang mga pulis at emergency responders ilang sandali matapos ang insidente.
Agad dinala sa ospital ang biktima para malapatan ng lunas. Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad para makilala at mahuli ang suspek.