Ang isang 67-anyos na lola ay nabiktima ng snatching sa Barangay San Agustin, San Fernando City, Pampanga. Kitang-kita sa CCTV footage ang pangyayari habang hawak ng biktima ang kanyang paper bag at shoulder bag.
Habang naglalakad, biglang nilapitan ng isang lalaki ang lola at pilit na hinablot ang kanyang gamit. Hindi agad bumitaw ang biktima at nakipag-agawan pa, dahilan upang siya ay makaladkad sa kalsada.
Sa gitna ng komosyon, sinipa pa sa mukha ng suspek ang kawawang lola hanggang tuluyan na nitong mabitawan ang kanyang bag.
Makikita rin sa CCTV ang mabilis na pagtakas ng lalaki matapos tumalon sa gate ng isang property malapit sa lugar.
Sa kabila ng matinding takot at pinsala, hindi nawawala ang pag-asa ng pamilya ng biktima na mahuli ang suspek at managot sa ginawa nito.