Ang isang 23-anyos na lalaki ay nasawi matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa tricycle sa kahabaan ng Maguey Road sa pagitan ng Barangay San Luis at Barangay San Isidro, Antipolo, Rizal nitong Lunes ng umaga, Hunyo 2.
Ayon sa Barangay Peace and Safety Officer na si Alexander Zaulda, kararating lang nila mula sa flag ceremony nang tumanggap sila ng tawag ukol sa aksidente. Pagdating nila sa lugar, ang tricycle ay nasa gilid na ng kalsada habang nakahandusay ang rider sa daan.
Rumesponde rin agad ang Antipolo Rescue para magbigay ng paunang lunas pero dead-on-the-spot ang rider. Nasugatan naman ang 50-anyos na tricycle driver at 41-anyos na pasaherong babae ngunit sila ay pinalabas na rin agad mula sa ospital dahil minor injuries lamang.
Kwento ng isang residente na si Abraham Mutas, mabilis ang takbo ng motorsiklo bago ito nag-wiggle at tuluyang sumalpok. Napansin pa niyang helmet ng rider ay pang-bisikleta lamang.
Hindi na nagsampa ng kaso ang pamilya ng nasawing rider at ang tricycle driver dahil nagka-areglo na ang magkabilang panig.