
Ang isa pang co-accused sa kaso ng qualified trafficking in persons laban kina dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque at Cassandra Ong ay naaresto na sa Pampanga. Kinilala ang suspek na si “Mariano,” isa sa 49 na kasamang akusado. Siya ay isang security guard na naka-duty sa Lucky South 99 Outsourcing Inc., isang POGO sa Porac, Pampanga.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), naaresto si Mariano sa Clark, Pampanga noong Sabado. Pinayuhan ni CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III ang iba pang mga co-accused na sumuko na dahil aktibo ang mga tracker teams na naghahanap sa kanila.
Matatandaan na inilabas ang mga warrant of arrest laban kay Roque, Ong, at iba pang sangkot noong Mayo 15, 2024 sa Regional Trial Court ng Angeles City. Dati nang nahuli si “Marlon,” isa ring co-accused, sa Mabalacat City. Sa kabila nito, pinabulaanan ni Roque ang mga paratang at sinabing hindi siya kailanman naging abogado ng POGO o ng Lucky South 99.