
Ang sunog ay sumiklab noong Linggo ng hapon sa isang residential area sa Tondo, Manila. Na-raise ito sa 2nd alarm bago tuluyang na-declare na fire out bandang alas-4 ng hapon.
Isa sa mga biktima, si Alyssa Bataliño, nagsabi na halos wala silang nasagip maliban sa ilang documents. Nawalan din sila ng kanilang pet dog dahil mabilis kumalat ang apoy. “Sobrang bilis ng apoy, nataranta kami at hindi namin alam anong unahin, tapos pinapalabas na agad kami. Back to zero talaga,” sabi ni Alyssa.
Ayon sa report, nagsimula ang sunog sa second floor ng bahay ni Barangay Desk Officer Teresita Bulan. Nagmula ito matapos may bumagsak na malaking plastic na may apoy kaya nataranta ang pamilya niya at agad nakalikas. Nasunog lahat pati ang kanilang naipong P25,000 para sa repair ng sidecar ng asawa niya na gamit nila sa kabuhayan.
Base sa barangay, tinatayang apektado ang mahigit 50 pamilya o higit sa 10 bahay. “Kasi yung bahay na 'yun, maraming tao ang nakatira, kwarto-kwarto lang,” sabi ni Barangay Chairman Arturo Magtalas.
Walang naiulat na nasaktan o nasawi. Kasalukuyang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog. Sa ngayon, gumagamit muna ng lumang political posters bilang pansamantalang banig ang mga biktima habang nasa barangay covered court sila nagtatago.