Ang Bureau of Immigration (BI) ay naglabas ng babala laban sa mga peke o huwad na dokumento na ginagamit ng mga scammer sa tinatawag na love scam. Isa na rito ang liham na nagpapanggap na mula sa BI at nanghihingi ng pera mula sa biktima.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ginagamit ang mga ganitong liham upang takutin ang biktima at madaliang hikayatin itong magpadala ng pera. Sa isang kaso, may natanggap ang BI na peke umanong liham na may pirma pa niya at ipinadala sa isang babae sa Pampanga.
Sabi pa ni Viado, sinasabi sa liham na ang dayuhang ka-chat ng biktima ay naharang daw sa airport, at pinalalabas na may kinalaman ito sa Anti-Money Laundering Act. Kasama sa sulat ang babala na huwag na raw makipag-ugnayan sa dayuhan, sabay bigay ng mobile number at social media account ng kunwaring opisyal.
May tagubilin din sa liham na magpadala ng pera sa isang pribadong bank account na hindi naman awtorisado ng BI. Dahil dito, muling hinimok ng BI ang publiko na huwag basta maniniwala sa mga ganitong klase ng sulat at huwag agad magpapadala ng pera.
Inutusan na ng BI ang mga awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente upang matigil ang ganitong panloloko.