Ang isang 65-anyos na lalaki ay pumanaw matapos mahimatay sa Oas South Central Elementary School sa Albay, Lunes ng umaga. Nakilala siya bilang si Nestor Rensales, isang stroke survivor na maagang pumila sa pagboto.
Ayon sa Albay police, sinabi ni Rensales sa kanyang asawa na nahihilo siya matapos bumoto. Hinintay pa niya ang asawa habang nasa pila, pero bigla siyang nahimatay malapit sa voting area.
Kwento ni Julia Rensales, asawa ng biktima, pinilit pa rin nitong bumoto kahit na mainit ang panahon. "Sabi ko nga, wag na siya bumoto, pero sabi niya sayang daw ang boto," ani Julia.
Dahil naantala ang pagboto, lalo pang nainip ang matanda. "Palagi kaming maaga, pero nauna pa ang mga gurong magsisilbi. Naiinitan na siya at ayaw niya ng naghihintay," dagdag niya.
Si Rensales ay agad dinala sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital sa Ligao City, ngunit idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor.