
Ang anak ng pinaslang na mayor sa Rizal, Cagayan ay tatakbo sa halalan bilang kapalit ng kanyang ama. Si Jamila Ruma, 21 taong gulang, ang panganay na anak ni Mayor Joel Ruma na pinaslang noong Abril 23 habang nasa kampanya. Opisyal niyang inihain ang kanyang certificate of candidacy (COC) noong Abril 29 sa Comelec office ng Rizal, kasabay ng sana’y ika-55 kaarawan ng kanyang ama.
Suportado si Jamila ng maraming tagasuporta ng kanyang ama. Sa video ng Cagayan Provincial Information Office, masiglang tinanggap ng mga tao si Jamila habang bitbit ang kanyang COC at sumisigaw ng “Ruma pa rin.” Tatakbo rin ang kanyang ina na si Brenda Ruma bilang bise alkalde.
Ayon sa batas, puwedeng palitan ang isang kandidatong namatay, gaya ng nakasaad sa Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Act. Pinayagan si Jamila na maging substitute candidate para sa kanyang yumaong ama.
Ibinahagi ni Jamila ang matinding lungkot at takot sa gabi ng insidente. Aniya, matapos ang kampanya, nagpaalam na ang karamihan pero piniling manatili ng kanyang ama. Habang nag-uusap sila, bigla itong tumayo at doon siya binaril. Umulan ng bala at hindi nila agad nadala sa ospital si Mayor Joel.
Nagpahayag ang mga taga-Rizal ng suporta at paghanga kay Jamila. Ayon sa botanteng si Jonel Hermano, “Huwag maliitin si Mayor Jamila. Hindi basehan ang edad sa tunay na paglilingkod — ang mahalaga ay puso, layunin, at tapang.”