
arekober ng mga awtoridad ang isang bakal na lagare at isang chopping knife na pinaniniwalaang ginamit sa malagim na pagpatay sa isang lalaki na kalauna’y natagpuang putol-putol ang katawan sa Binondo, Maynila. Ayon sa ulat ng pulisya, ang mga naturang kagamitan ay natagpuan sa basurahan sa ika-15 palapag ng isang gusali matapos umanong itapon ng mga suspek.
Ibinunyag ni Col. Joselito De Sesto na nadiskubre ang mga hinihinalang murder weapon nang mapansin ng isang tagalinis ang nakausling bahagi ng lagare habang siya ay naglilinis sa lugar. Sa una, hindi umano alam ng janitor na may kaugnayan ito sa krimen at itinago pa ang mga kagamitan dahil inakala niyang maaari pa itong magamit.
Lumabas sa imbestigasyon na itinapon ang mga bahagi ng katawan noong Pebrero 16, at agad nagsagawa ng backtracking operation ang mga imbestigador kinabukasan. Pagsapit ng umaga ng Pebrero 18, tuluyang nakumpirma ang pagkakarekober ng mga ebidensiya. Kusang lumapit sa mga awtoridad ang tagalinis matapos mapansin ang matinding presensiya ng pulisya sa gusali.
Sa kasalukuyan, patuloy ang malawakang manhunt operation ng kapulisan upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa karumal-dumal na krimen. Tiniyak ng mga awtoridad na paiigtingin ang imbestigasyon upang makamit ang katarungan para sa biktima at mapanagot ang mga may sala.




