
Opisyal na inilunsad noong Pebrero 5, 2026 ang bagong mobile application ng TESDA na tinatawag na “TESDA Skills Passport”, isang all-in-one platform na naglalayong pagsamahin ang training, trabaho, at scholarship services sa iisang app.
Pinangunahan ni Pangulo Ferdinand Marcos, Jr., kasama si TESDA Secretary Jose Francisco Benitez, ang paglulunsad na naglalayong gawing mas madali at accessible ang mga serbisyo para sa mga kabataan at mga naghahanap ng trabaho sa digital na paraan.
Ayon sa Pangulo, makikita sa app ang mahahalagang impormasyon gaya ng TESDA-accredited training institutions, online training courses, scholarship opportunities, at mga employment options. Ito rin ay magsisilbing gabay para sa mga kabataang nais matuto ng bagong skills.
Binanggit din ni Pangulong Marcos na halos P20 bilyon ang inilaan ng gobyerno sa TESDA sa 2026 national budget, upang palawakin ang access sa scholarships at skills training programs, na nagpapakita ng dedikasyon ng administrasyon sa pagpapaunlad ng workforce sa pamamagitan ng digitalization.
“Para sa ating mga kabataan at TESDA scholars, inaanyayahan ko kayong subukan at gamitin ang TESDA Skills Passport mobile app,” ani Pangulo Marcos. “Nawa’y magsilbi itong tulay para sa mas masagana at magandang bukas para sa lahat ng Pilipino.”




