
Arestado ang pitong lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Lourdes, Lubao, Pampanga, nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa PDEA Region 3, naglunsad sila ng operasyon laban kay alyas “Win-win”, 33 anyos, matapos makatanggap ng impormasyon na siya umano ang nag-ooperate ng isang drug den sa lugar.
Sa inspeksyon, nakuha ng mga operatiba mula sa suspek ang halos P82,000 halaga ng hinihinalang shabu. Nasakote rin ang anim na lalaking kasabwat niya sa pagbebenta ng ilegal na droga sa nasabing drug den.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa PDEA Pampanga Provincial Office at inaasahang haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Itinuturing ng PDEA ang operasyong ito bilang malaking hakbang sa laban kontra droga sa Pampanga, kasabay ng patuloy na kampanya para panatilihing ligtas ang mga komunidad mula sa ipinagbabawal na droga.




