
Inilunsad ng Apple ang pangalawang henerasyon ng AirTag, na may mas malakas na chip at mas malawak na saklaw upang mas madaling mahanap ang mga nawalang gamit, kahit sa mas malalayong distansya.
Ayon sa tech giant, ang bagong device ay may second-generation Ultra Wideband (UWB) chip, na kapareho ng sa iPhone 17 at Apple Watch Series 11. Dahil dito, mas tumpak ang “Precision Finding”, na kayang mag-track ng items hanggang 1.5 beses na mas malayo kumpara sa naunang modelo.
Bukod dito, pinahusay din ang tunog ng AirTag. May speaker na 50% louder at may bagong distinctive chime na maririnig kahit sa ilalim ng kumot o sa kabilang kwarto. Ang upgraded Bluetooth chip ay nag-extend ng range para sa pangkalahatang tracking gamit ang Find My network. Para sa unang pagkakataon, ang “Precision Finding” ay makikita na rin sa Apple Watch Series 9 at Ultra 2, na may watchOS 26.2.1, direkta sa pulso ng gumagamit.
Kasabay ng paglulunsad, pinalawak din ng Apple ang feature na “Share Item Location”, kung saan puwedeng ibahagi ang lokasyon ng AirTag sa pamamagitan ng secure link sa iba. Nakipag-partner ang Apple sa 36 global carriers upang mas madaling ma-recover ang mga na-mishandle na bagahe, bagama’t walang lokal na airline ang kasama sa kasalukuyang partnership.
Ang bagong AirTag 2 ay may presyo na ₱1,990 para sa isang piraso at ₱6,790 para sa four-pack. Maaari pa ring i-customize ang tracker sa pamamagitan ng libreng engraving sa Apple online store.




