
Isang 48-anyos na Korean national ang inaresto sa NAIA Terminal 1 matapos dumating mula Busan, South Korea. Ayon sa mga awtoridad, ang suspek ay nahaharap sa rape case na kinasasangkutan ng isang 24-anyos na Filipina, kaugnay ng insidenteng naganap noong Oktubre 31, 2025 sa isang hotel sa Ermita, Maynila.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng inuman ang biktima, ang suspek, at ang nobyo ng biktima na kapwa Korean national. Umalis umano ang nobyo bago ang insidente at hindi na nakabalik. Naiwan ang biktima na mag-isa kasama ang suspek at sinabing nawalan ng malay, dahilan upang hindi niya maalala ang mga sumunod na pangyayari.
Noong Nobyembre 4, 2025, humingi ng tulong ang biktima sa Women and Children Concern Section upang pormal na iulat ang insidente. Isang warrant of arrest ang inilabas noong Enero 12, 2026, at ang suspek ay kabilang sa most wanted ng pulisya. Sa kasalukuyan, siya ay nasa kustodiya ng Manila Police District habang nagpapatuloy ang proseso ng batas.




