
Nasagip ang dalawang balyena na napadpad sa dalampasigan ng Aparri at Calayan, Cagayan nitong nakaraang linggo. Unang namataan ang isa sa Barangay Bisagu, Aparri, noong Miyerkules, January 21, habang ang isa naman ay sa bayan ng Calayan noong Huwebes, January 22.
Agad na rumesponde ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at volunteers, na nagsagawa ng supportive care para sa kaligtasan ng mga balyena. Dinala ang unang balyena sa Cagayan Valley Marine Technology Outreach Station sa Claveria upang mas maayos itong ma-rehabilitate.
Ayon kay Dr. Jefferson Soriano, Focal Person for Marine Mammals ng BFAR Region 2, layunin ng kanilang aksyon na ma-stabilize ang movement at paghinga ng marine mammal, at mabigyan ito ng sapat na pahinga bago muling palayain.
Batay sa pagsusuri, ang unang balyena ay isang babaeng Pygmy Sperm Whale (Kogia Breviceps) na may habang 240 sentimetro at tinatayang 150 kilos ang bigat. Samantala, ang ikalawang balyena ay patuloy na binabantayan habang isinasagawa ang rehabilitasyon.
Dahil sa dalawang magkakasunod na insidente ng mammal stranding, mas paghigpitan ng BFAR Region 2 ang monitoring upang agad matugunan ang mga ganitong pangyayari sa hinaharap. Pinapakita nito ang patuloy na pangangalaga sa marine wildlife sa rehiyon ng Cagayan.




