
Opisyal nang ipinatupad sa Parañaque City ang bagong Anti-Face Concealment Ordinance, layuning mapanatili ang seguridad at kaayusan sa lungsod. Pinangunahan ito ni Councilor Pablo Olivarez II at pinirmahan ni Mayor Edwin Olivarez noong Nobyembre 13, 2025.
Ayon sa ordinansa, ipinagbabawal ang paggamit ng helmet, bonnets, ski masks, balaclavas, full-tint face shields, construction at industrial masks, o anumang kagamitan na nagtatakip ng mukha sa loob ng mga commercial, government, educational, financial, at iba pang pampublikong establisimyento. Saklaw din ang mga lugar tulad ng kalsada, sidewalk, parke, palengke, at crime-prone zones, kahit ang tao ay hindi na nakasakay sa motorsiklo.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagtanggi na alisin ang face-covering gear kapag ito ay hiniling ng pulis, barangay officials, o security personnel. Para sa mga lalabag: unang offense – PHP 1,500 fine at written warning; pangalawa – PHP 3,000 fine at/o 8 oras na community service; susunod na paglabag – PHP 5,000 fine at/o hanggang 15 araw na kulong, ayon sa desisyon ng korte.
Ang pagpapatupad ng batas ay nakasalalay sa Parañaque City Police, barangay officials, at Traffic and Parking Management Office. May mga exemptions para sa medikal o health-related reasons, itinalagang public health emergencies, kinikilalang religious o cultural practices, at mga motorcyclist na aktibong nagmamaneho sa pampublikong kalsada.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng ordinansa, mas mapapabuti ang kaligtasan at kaayusan sa lungsod. Pinayuhan ang publiko na maging mulat at sumunod upang maiwasan ang multa at legal na parusa.




